Miyerkules, Oktubre 24, 2012

PANGIT KA


sabi mo sa akin ay pangit ka
,hindi kaaya-aya ang mukha,
kaya't palagi kang nakayuko,
nahihiya saan man magtungo.

sabi mo pa ikaw ay mataba
sa iyong puso,laging may kaba
sa sarili ay walang tiwala
"ako maganda?' yan ay himala!"

gumising ka, idilat ang mata!
kaakit-akit na magdalena
iyong ganda'y nakakahalina
pagod ko'y napaparam sa t'wina

ano man ang sabihin ng iba
kagandahan man nila ay iba
huwag kang makinig sa daigdig
sa'kin ka maniwala at makinig

ikaw nga ay tunay na marikit
kaya sa iba ay wag mainggit
wala Siyang nilalang na pangit
kawangis ka ng DIYOS sa langit!

maniwala saking binabanggit
sapagkat ang DIYOS na ang nagsambit
"panlabas na anyo ang tinitignan na tao,
ngunit puso ang tinitignan Ko"

-rhine
-anirbaz azil .am (orelab)

Mataas na lakbayin


Mga bituin sa langit
kumikislap-kislap sa'kin
sa mata'y tiyak pang-akit
tunay na ganda ang angkin

nasa ko'y lumipad-lipad
sa hardin ng paraiso
pangarap sana'y matupad
sa hardin sana magtungo

subalit paano nga ba?
paano ako tatakas
pa'no ko makalalabas
paano maka-aalpas

muli ko'ng masdan ang hardin
ang taas ng lalakbayin!
hingang malalim, pumikit.
saka tumalon sa langit.

-zabrhine
-anirbaz azil .am (orelab)

Pakinggan mo


oh sadya namang kay ganda 
kay ningning ng iyong mata
tila bituin sa langit
masaya't may malasakit.

ang porselana mong balat
nagalak puso kong salat
labi mo'y kulay mansanas
mata mo'y tila kastanyas

buhok mong nakalugay
ang puso ko'y natatangay
paalon-alon sa twina
halaga'y gintong namina

puso ko'y diniligan mo,
damdamin ko'y pakinggan mo.
buksan mo ang itong puso,
kaibiganin tulad ko.

-zabrhine
-anirbaz azil .am (orelab)

Pagtangis para kay Nena


Andyan na muli si nena,
Ganda'y nakahahalina
Bestida'y sadyang kay nipis
Hantad porselanang kutis

Suot mo nga pala muli!
Ang iyong maskarang puti
Kay ganda ng iyong mukha
Paris sa labi mong pula

Kay sarap namang samyuin
'yong halimuyak na angkin!
Madilim na eskinita
Sa gilid man ng kalsada

Hindi ka ba nangangawit
Sa ngiting namumutawi?
pilit pang pinatatamis,
Puso nama'y nagtatangis!

Sige Nena, ibaba mo!
Ibaba pa ang dangal mo!
upang bukas ay may hain
Pamilya mo'y may makain.

 -zabrhine
-anirbaz azil .am (orelab)